Short Story

 SOSYALIDAD

Akda ni: Princess Aleah Dalanon ng Grade 11 St. Luke

 

Si Athena ay isang dalagang anak ng isa sa pinaka mayamang politiko sa kanilang lugar. Bagamat ang kanilang pamilya ay tanyag at kilala, ito ay isang katangian na hindi gusto ng dalaga. At upang makatakas sa kaniyang buhay sa siyudad, nais niyang magpaka layo layo muna. Isang araw, siya ay humiling sa kaniyang ama na papuntahin siya sa kanilang probinsiya dahil mayroon siyang kinakailangan gawin at obserbahan. Sinabi niya ito dahil batid niya na hindi siya papayagan ng ama kung sasabihin nitong gusto lamang niyang lumayo. Bagaman ay nagtataka, pumayag pa rin ang ama sa kasunduang lagi niyang makakasama ang katulong niyang si Isabel.

 

Nang dumating na sa probinsya si Athena, ilang araw lamang ang nag daan nang siya ay  unti unti nang nanaubusan ng magagawa. Habang ang dalaga ay namumuni-muni sa kung ano na ang susunod niyang gagawin ay nakakita siya ng maliit na usok na nagmumula sa di kalayuan. Alam niyang ang kinaroroonan ng usok ay sakop pa ng kanilang lupain kung kaya’t sa isip nya ay posibleng kilala pa rin niya ng mga nakatira dito. Pumunta siya sa kuwadro at kumuha ng kabayo. Pumunta na sa kinaroroonan ng usok. Sadyang magaling siya sa mapa, kung kaya’t kahit hindi siya gaanong pamilyar sa kanilang lugar ay alam niya pa rin ang lokasyon nito.

“45 degrees, northwest” paulit ulit niyang sabi.

Labing limang minuto bago siya nakatanaw ng mga basurang sinusunog kasama ang mga tuyong dahon, nagtago ang dalaga sa likod ng isang puno. Mula rito ay napagmamasdan niya ang isang naliit na baryo. Mayroon mga taong masayang nag iinuman, may mga batang maliliit na nag lalaro at may mga grupo ng babaeng nagluluto. Sa tingin nya ay may handaan sa baryo. Nais niya mang lumapit pa ay hindi na lamang niya itinuloy dahil ayaw niyang mapahamak, kung sakali at paniguradong pagagalitan siya ng kaniyang ama dahil sinuway niya ang utos nito. Nang siya ang  paalis na sana, mayroon siyang narinig na mga kaluskos mula sa kaniyang likuran. Hindi niya alam ang gagawin, hindi naman siya maka abante dahil makikita na siya ng mga babae na nag luluto, at mas lalong hindi sya makapunta sa magkabilang gilid dahil hindi mag kakasya ang kaniyang kabayo sa sikip ng lugar dahil sa mga puno.

 

            Tanggap na ni Athena na siya ay mapapahamak, at dahil sa takot  ay hindi na nakagalaw. Siya na lamang ay pumikit upang hindi makaramdam ng takot.

“Senyorita Athena?” tawag sa kanya ng isang pamilyar na boses. Iminulat ng dalaga ang kaniyang mga mata at napahinga ng maluwag.

“ikaw pala, mang Berting!” pasigaw na sambit ng dalaga dahil sa nararamdamang saya, salamat sa Diyos dahil kilala siya ang taong papalapit sa kaniya.

“Ano po ang ginagawa ninyo dito? Malayo layo po ito sa inyong mansyon, baka po ay pagalitan ako ng inyong ama kung malaman niyang nandirito kayo.” sabi ni Berting sa kaniya.

“Hindi naman po siguro” sagot naman ng dalaga.

 

Bahagyang naputol ang usapan ng dalawa dahil tinawag si Berting ng kaniyang asawa na isa sa mga nagluluto “Senyorita, hali po kayo, may maliit na kainan sa aming baryo dahil kakarating lamang ng aking pinsan mula ibang bansa” Sabi sa kanya ni Berting.

Hindi na nag dalawang isip ang dalaga, wari niya ay ligtas naman siya rito dahil matagal niya nang kilala ang ginoo.

Sumama siya rito at nakipagkilala sa iba pang mamamayan sa baryo. Napag-alaman din niya na halos lahat ng mga naninirahan dito ay trabahante nila. Sandaling nag paalam si Berting sa dalaga dahil ito raw ay magbibihis pa. Tumango naman ang dalaga at nagpaalam ring maglilibot muna upang malibang.

 

Sa kaniyang pag-iikot ay may napansin siyang isang munting kubo na puno ng mga batang nagsusulat sa kani-kanilang kuwaderno. Napansin siya ng gurong nagtuturo sa mga kabataan, ngumiti ito sa kanya at sinuklian rin niya ito ng ngiti. Pinagmasdan niya ang mga bata at inantay niyang makatapos ang mga ito sa pagsusulat. Umupo muna siya sa gilid ng bahay kubo. Sa kaniyang pag iisip isip, nagtaka siya kung bakit hindi pumapasok sa totoong paaralan ang mga bata, kung halos lahat naman ng nakatira dito ay nagta trabaho sa kaniyang pamilya. Kung gayon ay hindi ba sapat ang  suweldo na binibigay ng kaniyang ama sa mga trabahante nito?

 

Napansin ng dalaga na tapos nang mag aral ang mga bata at dahan dahan ng umaalis, lumapit sa kaniya ang guro ng mga ito. Nagpakilala sa kaniya  ang guro bilang Sonya, napagalaman niya na isang boluntarong guro ito mula sa  bayan. Sa pakikipag usap dito ay nalaman niya na hindi pala sapat ang pinapasuweldo ng kaniyang ama sa mga tauhan nila, sinubukan na rin daw ng mga trabahante na mag reklamo ngunit natatakot na baka ay tanggalan pa sila ng  trabaho kung sakaling mag reklamo sila. Sa nalaman ay nagkaroon ng galit ang dalaga laban sa ama. Habang sila ay naguusap ni Sonya ay bigla siyang tinawag ni Aling Maria

“Senyorita halina’t kakain na tayo” maligayang tawag sa kanya ni Maria

“Senyorita?” takang tanong ni Sonya sa Ale

“Hindi mo ba kilala itong kinakausap mo Sonya? Naku kanina pa kayo nag uusap nitong batang ire hindi ba? Sya ang nag iisang anak ng may ari nitong lupang kinatatayuan natin ngayon” mahabang litanya naman ni Maria.

Gulat man ay hindi pinahalata ni Sonya ang kaniyang reaksyon, batid niyang lagot siya kung malaman ng ale ang kaniyang mga pinangsasabi sa anak ng Don.

Ngumiti naman si Athena sa kanya ay bumulong “Wag kang mga alala” at sumunod na sa Ale.

 

Dumating na ang araw ng pagbabalik ni Athena sa Siyudad. Habang nasa sasakyan ay pinagmamasdan niya ang mga magagandang tanawin ng probinsya, ang mga batang masayang nag lalaro at ang mga magsasaka na mula umaga hanggang hapon na nag ta-trabaho maka ahon lamang sa buhay. Muling nabuhay ang galit na kaniyang naramdaman dahil sa nalaman tungkol sa ama. Naalala niya ang mga taong nakasalamuha niya sa kanyang oras sa probinsya. Ang mga taong nag aaway sa palengke dahil sa mga presyo ng bilihin, ang mga munting bulong na reklamo ng mga mamimili at mga trabahante sa hindi patas na buwis at ang kaniyang nasilayan na paghihirap ng mga estudyante na nag aaral lamang sa kubo. Hindi niya maintindihan ang rason ng ama kung bakit nangyayari ito sa kanilang bayan. Kung bakit kahit na lubos kung mag trabaho ang mga tao ay hindi pa rin nagiging sapat ang kanilang mga kita upang mamuhay ng maayos.

 

Pagkarating na pagkarating niya sa kanilang mansyon ay agad niyang hinanap ang kaniyang ama upang kausapin ito. Pinapasok siya ng sekretarya nito sa opisina. Nang magkaroon ng pagkakataon ay kinumpronta na niya ang ama. Ang naging rason ng kaniyang ama ay hindi nito gaanong nabibigyang pansin ang mga trabahante sa probinsya dahil masyado siyang naging abala sa nangyayari sa siyudad. Sa  obhetibing pagiisip at pakikipag argumento ng dalaga ay natalo niya ang kaniyang ama na kalaunan ay humingi ng tawad sa nagawa. At ngayon ay nangako nang magiging patas sa pagbibigay ng sahod sa kaniyang mga trabahante. Nakahinga man ng maluwag sa ipinangako ng ama, sinabi nya pa rin dito na sisiguraduhin nya na matutupad ito ng ama. Sa pagtatapos ng kanilang usapan ay bahagyang natawa na lamang ang ama sa kaniya anak, at nag birong mas magiging mabuting abogado ito kaysa sa kaniya. Ngumiti naman ang dalaga at niyakap ang ama, alam niyang hindi niya kayang magtanim pa ng galit dito. Nangako rin ito sa kaniyang sarili na siya ay magiging isang butihing abogado na magiging boses ng sambayanan laban sa mga taong tumatapak sa karapatan ng iba.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

Painting

Poem II.

'Makes Me Wonder' Experiences